Tiniyak ng Korte Suprema na hindi isinasantabi ang disbarment case na nakahain laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, kasama pa rin sa agenda ng korte ang disbarment sa pangalawang pangulo.

Inihain noong nakaraang buwan ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon ang disbarment kay VP Sara dahil sa pahayag nito laban kay Pangulong Bongbong Marcos kasama na sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

Kaugnay naman sa naunang disbarment sa kaniya na inihain noong alkalde pa siya ng Davao City, sinabi ni Gesmundo na may Justice na naka-assign dito at nagpalipat-lipat lamang dahil nagretiro na ang mga may hawak nito dati.

Inihain ang disbarment noon kay Duterte dahil sa pananapak ng sheriff noong 2011.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Nobyembre din nang kumpirmahin ng SC na isa pang disbarment ang inihain anonymously kaugnay naman sa pahayag ni VP Sara na huhukayin niya at itatapon sa West Philippine Sea si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na ama ni PBBM.