Inamin ni kontratistang Pacifico “Curlee” Discaya II ng St. Gerrard Construction sa pagdinig ng Kamara na may ilang opisyal noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humingi rin ng komisyon kapalit ng mga flood control projects.

Gayunman, hindi niya isinama ang mga ito sa kanyang affidavit sa Senado dahil hindi umano nagtagumpay ang mga pangingikil.

Isa sa kanyang pinangalanan ay si dating DPWH district engineer Art Pascual, na patay na, dahilan upang batikusin siya ng mga mambabatas dahil sa pagbibintang sa taong wala nang kakayahang ipagtanggol ang sarili.

Sa parehong pagdinig, ibinunyag ni Deputy Speaker Janette Garin na umabot sa P20.5 bilyon ang kita ng walong kumpanyang pag-aari ng pamilya Discaya mula sa mga kontrata sa gobyerno mula 2017 hanggang 2022, batay sa datos mula sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Mula sa P99 milyon noong 2016, biglang lumobo ang kita ng mga kumpanya ni Discaya sa higit isang bilyon pagsapit ng 2017, at patuloy pang lumaki sa kasagsagan ng pandemya.

-- ADVERTISEMENT --

Tinuligsa ni Garin ang umano’y pagsasamantala ng mga kumpanya sa pondo ng gobyerno sa panahong maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho at hindi sapat ang sweldo ng mga health workers.

Samantala, iginiit ni Rep. Gerville Luistro na ang mga inamin ni Discaya sa kanyang salaysay ay maaaring ikonsiderang ebidensya ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Aniya, kung aabot sa higit P50 milyon ang sangkot na halaga, pasok ito sa Plunder Law na may kaparusahang habang-buhay na pagkakakulong at walang piyansa.

Ayon kay Luistro, puno ng butas at kabalintunaan ang salaysay ni Discaya, lalo na’t hindi ito tugma sa mga opisyal na record ng SEC at sa kanyang paunang testimonya sa Senado.