Ibinunyag ni Tuguegarao City Mayor Maila Que na nakakuha ng proyekto sa lungsod ang kontrobersiyal na St. Gerrard Construction Company na pagmamay-ari ng pamilya Discaya.
Sa isang pulong balitaan, kinuwestyon ni Que na wala namang makitang heavy equipment ng mga Discaya sa project site ng P285 million na Pinacanauan Bridge 2, Phase 2 project, sa halip ay makikita ang mga heavy equipment ng Pulsar Construction na pag-aari ni 3rd district Cong. Joseph Lara.
Hinala ng alkalde na posibleng naghiram o nagpalitan lamang ng lisensya ang mga ito para sa naturang proyekto at sa iba pang infrastructure projects sa lungsod.
Kinuweston rin ng alkalde ang report mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH)-3rd engineering district na nasa 98% na ang natapos sa naturang tulay na inumpisahan pa noong 2022 subalit poste pa lamang nito ang patuloy na ginagawa.
Binatikos rin niya ang pagiging contractor ni Lara at ang “KAUNLARAN” na nakaukit sa lahat ng proyekto ng DPWH.
Bukod dito, pinuna rin ng alkalde ang ibang proyekto ng DPWH sa lungsod na hindi natapos na nagpapalala lamang ng pagbaha sa lansangan at nagdudulot ng masikip na daloy ng trapiko at aksidente.
Sa pagsisiyasat ng City Government, nasa 17 proyekto ang na-“chop-chop” o nahati-hati sa maraming bahagi at hindi tinapos.
Kabilang sa palpak na proyektong ito na walang koordinasyon sa LGU ay ang Caritan creek na idineklarang tapos na, subalit kasalukuayn pa ang konstruksiyon at ang Carig Bypass road na hindi pa man nagagamit ay nakitaan na ng mga bitak.
Isa pang anomalya na nadiskubre ang Caggay-Namabbalan flood control na sinimulan ngunit hindi tinapos kung saan may mga bahay nang natitibag sa paligid nito at ang hindi matapos tapos na Enrile-Tuguegarao bypass road.
Ilang substandard na drainage project rin ang inireklamo sa bahagi ng Bartolome St., Pallua Sur, Gunnacao St. at sa Brgy Carig.
Kasama rin sa kinuwestyon ng alkalde ang konstruksyon ng P1.8 billion na dike road sa riverside na nasa ilalim ng protected lagoon batay sa ordinansa ng city government.
Samantala tiniyak ni Que na kaisa siya sa mayors for good governance na humiling ng transparency para sa mga government projects at kaisa ang lungsod sa anomang imbestigasyon.
Hinamon rin ng alkalde ang city council na magsagawa ng inspeksyon para masusing suriin ang mga proyektong pinagdududahan ng mga residente.