
Kasalukuyan nang inaayos ng disconnector ng Cagayan Electric Cooperative I (Cagelco I) ang kanyang medico-legal report upang makapagsampa ng kaukulang kaso laban sa babaeng suspek na pumukpok ng mobile phone sa kanyang ulo matapos niyang tangkaing magsagawa ng disconnection sa Barangay Gadu, Solana, Cagayan noong Oktubre 29, 2025.
Ayon kay Jesus Francis Guzman ng Cagelco I, nagtungo ang disconnector sa bahay ng suspek upang putulan ng kuryente dahil sa dalawang buwang hindi pagbabayad ng bill.
Iginiit umano ng suspek na nakapagbayad na siya sa pamamagitan ng GCash, subalit hindi pa ito nakikita sa real-time system ng kooperatiba, na karaniwang nagre-reflect makalipas ang dalawa hanggang tatlong araw.
Ayon sa tala ng Cagelco I, madalas umanong magbayad ang suspek sa GCash tuwing malapit na ang disconnection date upang maiwasan ang pagkakaroon ng dalawang buwang atraso.
Inalok pa ng disconnector ang suspek na magbayad on-the-spot upang hindi maputulan, ngunit tumanggi ito at nakipagtalo.
Habang tinatangka na nitong putulin pansamantala ang linya, bigla umanong hinampas ng suspek ang disconnector gamit ang cellphone, dahilan upang magtamo ito ng sugat sa ulo.
Hinuli ang suspek at dinala sa Solana Police Station, ngunit pansamantalang pinalaya dahil wala pang pormal na reklamo o kasong naisusumite.
Kaugnay nito, nagpaalala ang Cagelco I sa mga Member-Consumer-Owner (MCO) na manatiling kalmado at magbigay-galang sa mga kawani ng kooperatiba habang isinasagawa ang kanilang tungkulin, lalo na sa mga disconnection activities upang maiwasan ang anumang insidente ng pananakit o alitan.










