Inihahanda na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang dismissal case laban sa isang jail guard ng Cagayan Provincial Jail na naaktuhang nagbebenta ng ilegal na droga sa Tuguegarao City, kaninang umaga.
Sa panayam ng bombo radyo, sinabi ni Gov. Manuel Mamba na inatasan na niya ang Provincial Legal Counsel na ihanda ang kasong administratibo laban kay Arturo Advincula, 49-anyos at residente ng Brgy. Centro, Tuao, Cagayan.
Binigyang diin ni Gov. Mamba na hindi niya kinokonsenti ang ganitong iligal na gawain ng mga kawani sa kapitolyo lalo’t puspusan ang pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na malinis sa ilegal na droga ang panlalawigang piitan.
Aniya, matagal na umano niyang pinamanmanan si Advicula na dating Brgy. kagawad dahil sa kanyang iligal na gawain.
Dahil dito, mas lalo pa aniyang hihigpitan ang pagsasagawa ng random drug testing sa mga emplyado ng panlalawigang piitan na unang idineklarang drug cleared ng PDEA.
Batay sa ulat, nahuli si Advincula na itinuturing na high value target sa ikinasang buy bust operations ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at Cagayan Police Provincial Office sa Arrow Village sa Brgy. Carig Norte, Tuguegarao City.
Sinabi ni PSSgt. Winston Arao ng PNP Tuguegarao na bukod sa isang sachet na ibinenta ng suspek sa isang posuer buyer, nakuha din sa kanya ang lima pang sachet ng shabu na nakabalot sa puting papel.
Nakumpiska rin sa kanya ang isang 9mm pistol, limang piraso ng bala ng cal. 45, pitong bala ng cal. M16 at P6,000 buy bust money.
Samantala, sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isang lalaki na nahuli sa buy bust operation sa pagbebenta ng shabu sa Amulung, Cagayan.
Sinabi ni PMAJ Edgar Manuel Jr., hepe ng PNP Amulung na gumawa sila ng plano para sa operasyon laban kay Eugenio Abad na gumagamit ng alyas na Joseph Capili matapos na magbigay sa kanila ng tip sa illegal activity ng suspek.
Ayon kay Manuel, nakuha kay Abad ang 4 na sachet ng shabu.
Sinabi ni Manuel na newly identified drug pusher ang suspek.