Dadaan umano sa butas ng karayom sa Senado ang panukalang divorce sa bansa.

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, na ito ay batay sa kanyang ginawang sariling survey sa mga senador kung saan ay hati ang mga ito sa nasabing panukalang batas.

Sinabi niya na ang isang rason kung bakit tutol siya sa divorce ay dahil sa mahal ang annulment.

Dahil dito, sinabi niya na sa halip na ipasa ang divorce bill, gawing abot-kaya maging sa mga mahihirap ang annulment.

Iginiit niya na hindi prayoridad ng Senado ang divorce bill dahil hindi umano ito makakatulong sa mga kumakalam ang tiyan.

-- ADVERTISEMENT --

Hanggang ngayon ay nakabinbin ang nasabing panukalang batas sa Senate committee on rules.

Sinabi ni Estrada na maging si Majority Leader Francis Tolentino na bagong chairman ng rules committee ay hindi sang-ayon sa divorce.

Matatandaan na ipinasa ng kamara ang divorce bill noong May 22, 2024.