
Iniimbestigahan ng Department of Migrant Workers–Cordillera Administrative Region (DMW-CAR) ang 150 kaso ng illegal recruitment sa Cordillera.
Ayon kay Regional Director Cheryl Daytec, 80 biktima na ang nabigyan ng tulong.
Sinabi ni Dyatec na isa sa mga pangunahing suspek ay si Sheena Mae Canlas, na umano’y nasa Japan at nangre-recruit sa pamamagitan ng mga lokal na koneksyon gamit ang pekeng alok ng trabaho.
Kaugnay nito nakipag-ugnayan na ang DMW-CAR sa National Bureau of Investigation (NBI), Criminal Investigation and Detention Group (CIDG), at Integrated Bar of the Philippines upang ihain ang mga kaso at iproseso ang pagkansela ng pasaporte ng suspek.
Pinayuhan ng DMW ang publiko na suriin kung lisensyado ang ahensya sa DMW website, tiyaking may valid job order, at iwasan ang transaksyon sa labas ng rehistradong opisina. Para sa domestic workers, pasaporte at medical certificate lamang ang dapat bayaran.
Kasabay ng imbestigasyon, pinalalakas ng DMW-CAR ang welfare at reintegration services tulad ng emergency assistance, tulong pangkabuhayan, at financial education para sa mga biktima at umuuwing OFWs.










