Iniimbestigahan at inaalam ng Department of Migrant Workers (DMW) ang posibleng pananagutang legal kaugnay sa pagkakamali sa repatriation ng mga labi ng overseas Filipino worker (OFW) na si Jenny Alvarado mula sa Kuwait.

Kasabay nito, humingi ng paumanhin si Migrant Workers Secretary Hans Cacdac sa pamilya ni Alvarado sa nasabing insidente.

Ayon kay Cacdac, nagsasagawa na ng pag-aaral ang mga abogado sa insidente.

Nangako siya sa pamilya ng OFW na isusulong nila ang legal claims kung may makikita ang mga abogado na posibleng pananagutan ng sinoman na sangkot sa nasabing pagkakamali.

Kasabay nito, sinabi ni Cacdac na aakuin niya ang responsibilidad sa insidente dahil sa siya ang nag-utos ng agarang pagpapauwi sa mga labi ni Alvarado na maaaring dahilan ng pagkakamali.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa initial reports mula sa Philippine Embassy sa Kuwait, namatay si Alvarado at dalawa pang foreign workers dahil sa coal suffocation noong January 2 matapos na malangahap ang usok mula sa heating system sa kanilang pinagtatrabahuan.

Subalit, nang dumating ang mga labi noong January 10, sinabi ng pamilya na hindi mga labi ni Jenny ang nasa kabaong kundi ang kasama niya na isang Nepalese.

Sinabi ni Cacdac na matapos niyang ipag-utos ang mabilis na repatriation ng mga labi ni Jenny, ang private shipping provider ang nagsagawa ng repatriation.

Ayon sa kanya, iba ang bangkay, subalit ang nakalagay na pangalan ay Jenny Alvarado, kaya may pagkakamali.

Samantala, nakatakdang dumating ang mga labi ni Jenny bukas.