Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Migrant Workers (DMW) kung mayroon pang ibang opisyal, bukod sa tinanggal na Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnell Ignacio, na sangkot sa umano’y P1.4 billion land acquisition deal.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nangangalap na sila ng karagdagang mga impormasyon tungkol sa maanomalyang transaksion, na hindi umano otorisado ng OWWA board, bago sila magsampa ng kaukulang mga kaso sa mga sangkot.
Ayon kay Cacdac, pinalitan ang board ng isang komite sa loob ng OWWA, na hindi kinonsulta ang board.
Sinabi naman ni DMW Undersecretary Patricia Yvonne “PJ” Caunan, ang P1.4 billion land purchase deal sa ilalim ng liderato ni Ignacio ay para sana sa halfway house o domitory-type accomodation ng overseas Filipino workers na malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Pinalitan ni Caunan si Ignacio bilang administrator ng OWWA, matapos na matanggal siya sa kanyang pwesto dahil sa “loss of trust and confidence” dahil sa land deal na kanyang pinasok na walang pag-apruba mula sa OWWA Board.
Idinagdag pa ni Cacdac na pinag-aaralan na rin nila kung pwede pang mabawi ang nasabing halaga at kung itutuloy o hindi ang proyekto.