Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na hindi tumugma ang DNA mula sa tatlong bangkay na nahukay sa isang sementeryo sa Laurel, Batangas sa mga DNA samples ng kaanak ng 23 nawawalang sabungero.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, dalawang lalaki at isang babae ang natukoy mula sa mga kalansay na nakuha.

Inilibing umano ang mga bangkay tatlong taon na ang nakararaan ayon sa sepulturero, at hinihinalang mga biktima ng salvage base sa mga tama ng bala sa kanilang katawan.

Hinihikayat ngayon ng PNP ang iba pang kaanak ng nawawalang sabungero na magsumite ng DNA samples upang maikumpara sa mga narekober na bangkay.

Dagdag pa ni Fajardo, walang DNA profiles ang nakuha mula sa mga butong iniahon sa Taal Lake dahil sa matagal na pagkakababad sa tubig.

-- ADVERTISEMENT --

Paalala ng PNP na bukas ang kanilang forensic group para tumanggap ng mga bagong DNA sample upang mapalawak pa ang imbestigasyon sa pagkawala ng humigit-kumulang 34 hanggang 100 sabungero mula 2021 hanggang 2022.