
Mariing kinondena ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry na nagsabing maaaring “magbayad ng presyo” ang ilang opisyal ng Pilipinas na umano’y nagpapakalat ng disinformation.
Ayon kay DND spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong, hindi matitinag ang DND sa anumang banta at patuloy nitong tutulan ang aniya’y kasinungalingan at mapanupil na aksyon ng People’s Republic of China.
Iginiit din niya na hindi kailanman naging bahagi ng China ang West Philippine Sea (WPS).
Binigyang-diin ng DND na magpapatuloy ang Pilipinas sa pagtupad ng tungkulin laban sa ilegal na aktibidad ng China sa mga lugar na sakop ng hurisdiksyon ng bansa, kasunod ng patuloy na tensyon sa South China Sea at sa kabila ng 2016 arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas—na patuloy namang tinatanggihan ng China.










