Inamin ng Department of Energy (DOE) na may naging pagkukulang sa pagpaplano na nagresulta sa kakulangan ng bagong baseload power capacity sa Visayas.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, matagal nang walang bagong baseload generation sa rehiyon. Sinabi niyang nagsasagawa na ang DOE ng long-term simulations at energy auctions para matiyak ang sapat na suplay sa susunod na mga taon.

Patuloy naman ang problema sa suplay dahil sa sabay-sabay na forced outages ng anim na power plants, na pinalala pa ng mga sira sa dalawang planta sa Mindanao.

Ayon sa DOE, kahit makumpleto ang ilang hakbang pagsapit ng 2027, maaari pa ring makaranas ng power interruptions ang Visayas, kabilang ang posibleng isang red alert at 19 yellow alerts sa best-case scenario.

Sumang-ayon ang DOE na kailangang repasuhin ang sistema ng ancillary services o power reserves sa Visayas, dahil iba ang kondisyon ng mga isla kumpara sa Luzon at Mindanao.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang mabilis na solusyon, tinukoy ng ahensya ang solar power na may battery energy storage systems para maimbak ang sobrang kuryente mula sa solar plants sa araw at magamit kapag mataas ang demand sa gabi.