
Ikinatuwa ng Department of Energy ang pagkakadiskubre ng malaking reserba ng natural gas sa Malampaya East 1, na nasa humigit-kumulang limang kilometro sa silangan ng kasalukuyang Malampaya gas field.
Tinatayang nasa 98 bilyong cubic feet ng natural gas ang natagpuan sa lugar, na may paunang test flow na 60 milyong cubic feet kada araw.
Ayon sa DOE, malaking tulong ito sa pagpapalakas ng pangmatagalang seguridad sa enerhiya ng bansa.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na patunay ang tagumpay na ito ng kakayahan ng mga Pilipinong inhinyero sa pagtiyak ng maaasahang suplay ng kuryente para sa bansa.
Kinilala rin ng DOE ang Service Contract 38 Consortium na pinamumunuan ng Prime Energy Resources Development B.V., kasama ang UC38, PNOC Exploration Corporation, at Prime Oil and Gas Inc.
Binigyang-diin din na ang proyekto ay natapos nang walang aksidente o pinsala sa kalikasan.
Ang MAE-1 ang unang malaking resulta ng Malampaya Phase 4 Drilling Campaign.
Ayon sa DOE, patuloy itong makikipagtulungan sa mga kasangkot na ahensya upang matiyak ang maayos at ligtas na pagpapaunlad ng proyekto.
Dagdag ng DOE, ang 98 BCF ng natural gas ay katumbas ng humigit-kumulang 13.9 bilyong kilowatt-hours ng kuryente—sapat upang mapagkunan ng kuryente ang milyon-milyong kabahayan, streetlights, at mga pampublikong paaralan sa loob ng isang taon.





