Nagbabala ang Department of Health na posibleng makapasok sa bansa ang mas mabagsik na uri ng Mpox na Clade 1B.
Dahil dito, patuloy ang ginagawang hakbang ng ahensiya upang matiyak na hindi magkakaroon ng kaso ng nasabing virus ang bansa.
Nabatid na ang mortality rate ng Clade 1B ay sampu sa bawat 100 ang namamatay.
Sinabi ni Health Spokesperson at Assistant Secretary Albert Domingo na posibleng latak pa ng dating umiikot na Clade 2 ng Mpox noong 2022 ang mga naitatalang bagong kaso ng virus ngayong taon.
Sa ngayon pawang strain ng Clade 2 ang nakita sa limang aktibong kaso ng Mpox sa bansa.
Kumpiyansa naman si Domingo na kakayanin ng bansa ang pagtugon sa mga kaso ng Mpox dahil dati na itong sakit at alam nila kung papano ito gagamutin.
Kaya habang nagtatala aniya ng kaso ng Clade 2 ay gumagawa na sila ng hakbang para sa pagtugon dito upang hindi mabigla sakaling malapasok sa bansa ang mas matinding uri ng Mpox.