Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa mga sakit sa gitna ng pagtaya ng state weather bureau ng “danger” heat index levels sa ilang bahagi ng bansa.

Sa advisory, sinabi ng DOH na ang heat index na 42 hanggang 51°C, na nasa ilalim na ng “danger” category, ay posibleng magdudulot ng heat cramps at heat exhaustion, kung saan ang mga sintomas ng mga ito ay pagkahapo, pagkahilo, sakit ng ulo, at pagsusuka.

Hinikayat ng DOH ang mga lugar na makakaranas ng matinding init na mag-ingat laban sa heat cramps at exhaustion dahil sa posibleng humantong ito sa heat stroke.

Nagbabala ang DOH na ang mahabang pagkakalantad sa matinding sikat ng araw ay posibleng magpapataas sa panganib ng heat stroke, isang seryosong kundisyon na maaaring magresulta sa pagkahimatay, pagkalito, seizures, o kombulsyon, at posibleng nakakamatay kung hindi agad na matugunan.

Nagpayo din ang ahensiya sa publiko na gawin ang mga sumusunod na first-aid measures para sa mga heat-related illnesses:

-- ADVERTISEMENT --

Dalhin ang pasyente sa lilim, malamig na lugar na may bentilasyon.

Mag-apply ng cold compress, ice packs, malamig na tubig, o basang tela sa noo, mukha, leeg, kili-kili, pulso, bukong-bukong, at singit.

Kung may malay ang pasyente, unti-unti siyang painumin ng malamig na tubig.

Humingi ng tulong o dalhin agad siya sa ospital.

Para maiwasan ang heat-related illnesses, inirerekomenda ng DOH ang pag-inom ng maraming tubig, iwasan ang iced tea, soda, kape, o mga alak; limitahan ang mga aktibidad sa labas ng bahay sa pagitan ng 10:00 a.m. hanggang 4:00 p.m.; at gumamit ng proteksion sa sikat ng araw tulad ng mga sombrero, payong, sunscreen, at magsuot ng mga preskong damit.