
Ipinahayag ng Department of Health (DOH) ang pangamba sa patuloy na pagtaas ng kaso ng chronic kidney disease (CKD) sa bansa, kabilang na ang mga batang pasyente.
Dahil dito, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOH na paigtingin ang mga hakbang sa primary care at mga programang pang-prebensyon upang matugunan ang mga ugat ng sakit gaya ng diabetes at altapresyon.
Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, nakita pa nga mismo ng Pangulo ang isang batang naka-dialysis sa ginawang pagbisita sa isang pasilidad.
Binigyang-diin din ni Herbosa ang kahalagahan ng pagbabago sa pamumuhay, lalo na sa hanay ng kabataan, dahil sa mataas na sugar content ng mga pagkain na karaniwang kinokonsumo.
Aniya, kung maagang mahihikayat ang tamang pagkain at aktibong pamumuhay, mababawasan ang posibilidad ng pagkakaroon ng diabetes at kalaunan, ng CKD.
Samantala, sinabi naman ni PhilHealth president Dr. Edwin Mercado na aabot sa ₱300 bilyon ang inilaan nilang pondo para sa mga benepisyo ngayong taon, kabilang ang suporta para sa dialysis at kidney transplant.