Nanawagan ang Department of Health (DOH) na ideklara ang human immunodeficiency virus (HIV) bilang isang National Public Health Emergency, matapos makapagtala ng 500% pagtaas sa mga kaso nito sa mga kabataang may edad 15 hanggang 25.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, mahalaga ang deklarasyong ito upang sama-samang kumilos ang buong lipunan at gobyerno laban sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng HIV.
Mula Enero hanggang Marso 2025, umaabot sa 57 bagong HIV cases ang naitatala kada araw—mas mataas nang higit sa doble kumpara sa 21 kaso kada araw noong 2014.
Dahil dito, ang Pilipinas na ngayon ang may pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng HIV sa Western Pacific region.
Ayon sa datos ng DOH, ang age group na karaniwang naaapektuhan ng HIV ay bumaba mula 35–49 taong gulang noong 2002–2005, sa 25–34 taong gulang simula 2006.
May ulat din ng pinakabatang kaso ng HIV na isang 12-anyos na bata mula sa Palawan.
Sa kabuuan, nasa 215,000 na ang bilang ng mga Pilipinong nabubuhay na may HIV sa taong 2024.
Babala ni Herbosa, kung hindi maagapan ang pagkalat ng sakit, maaaring lumampas sa 400,000 ang bilang ng mga apektado.
Sexual contact pa rin ang pangunahing mode of transmission ng virus, at karamihan ng mga kaso ay mula sa mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki (MSM) mula pa noong 2007.
Hinihikayat ng DOH ang publiko na magpa-HIV test, na libre at kumpidensyal.
May available ding HIV self-test kits, pati na rin ang Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP) na makukuha sa mga klinika, botika, at non-government organizations.
Paalala rin ng ahensya sa mga sexually-active na indibidwal na gumamit proteksyon laban sa HIV.
Para sa mga taong may HIV, libre ang antiretroviral therapy (ART) sa ilalim ng PhilHealth insurance.