
Binigyang-diin ni Health Secretary Ted Herbosa na hindi nakaaalarma ang bagong “superflu” variant sa Pilipinas.
Sa press briefing, kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang 17 local cases nito matapos muling ma-examine ang surveillance data kasunod ng naging surge ng superflu sa US at UK.
Na-detect umano ang naturang mga kaso sa Metro Manila noong July hangang August ng nakaraang taon, at lahat din nito ay recovered na.
Mababatid na pagpasok ng taong 2026, naitala ng mga health agencies sa Estados Unidos ang malaking pagtaas ng mga kaso ng trangkaso na dulot ng influenza A H3N2 subclade K variant.
Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), tinatayang 11 milyong katao na ang nagkasakit; humigit-kumulang 120,000 ang naospital; at nasa 5,000 na ang nasawi hanggang sa kasalukuyan.
Sa gitna nito, patuloy na inirerekomenda ng DOH ang pagpapabakuna.
Hinimok din nito ang publiko na magsagawa ng mga basic health precautions kabilang ang pananatili sa bahay kung may sakit, at pagsusuot ng face masks upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon.










