May naitala nang anim na nasugatan dahil sa boga ang Department of Health Region 2, hindi pa man sumasapit ang Pasko at Bagong Taon.

Sinabi ni Paulene Keith Atal, head ng health promotion unit ng DOH Region 2, ang mga nagtamo ng injury ay pawang mga kalalakihan na edad mula dalawa hanggang 65.

Ayon sa kanya, ang mga biktima ay mula sa Isabela, Cagayan at Quirino.

Dahil dito, sinabi ni Atal na 600 percent ang itinaas ng kaso ng fireworks related injuries mula December 1 hanggang 23 kumpara sa walang kaso noong 2023.

Samantala, sinabi ni Atal na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga pribado at pampublikong pagamutan sa rehion upang matiyak ang kanilang kahandaan sa anumang hindi kanais-nais na insidente sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, sinabi niya na nagsasagawa na rin sila ng information dessimination tungkol sa Holiday Heart Syndrome.

Ito ay ang kundisyon na bunsod ng sobra-sobrang pag-inum ng alak, stress, kulang sa pahinga, at pagkain ng maaalat o matatabang pagkain na maaaring magresulta ng pagtaas ng blood pressure.

Ito ay posibleng magresulta ng abnormal na pagtibok ng puso na isa sa dahilan ng pagkamatay ng isang pasyente.