Nagsasagawa ngayon ang Department of Health o DoH Region 2 ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng kauna-unahang nagpositibo ng monkey pox o mpox dito sa lambak Cagayan.

Ayon kay Regional Director Amelita Pangilinan ng DoH Region 2 na naka-confine ang pasyente sa isang pagamutan habang ang kaniyang pamilya ay naka-isolate habang hinihintay ang ang resulta ng specimen na ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM sa Metro Manila.

Nilinaw naman ni Pangilinan na stable ang kondisyon ng pasyente.

Samantala, kinumpirma lang ng DoH ang pagkakaroon ng positibong kaso ng Mpox sa rehiyon at hindi na ito nagbigay ng karagdagang impormasyon sa pasyente para maiwasan ang stigma at magpanic ang publiko.

Ayon kay Pangilinan na ipinauubaya na nila ang desisyon sa concerned local government unit kung ihahayag sa publiko na sa kanilang lugar galing ang nagpositibo sa mpox.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Pangilinan na local transmission ang pinakaunang kaso ng Mpox sa rehiyon dahil batay sa kanilang imbestigasyon ay wala naman itong travel history.

Natuklasan na positibo sa naturang nakakahawang sakit ang pasyente matapos na kusang nagpakonsulta sa ospital dahil sa nararamdamang senyales ng mpox.

Sa ngayon ay patuloy ang pagbibigay paalala ng DoH sa mga nakakaranas ng senyales ng mpox na magpatingin sa doctor para ito ay maagapan.

Ang mga karaniwang sintomas ng mpox ay pantal sa balat o mucosal lesions na maaaring tumagal ng dalawa hanggang apat na linggo at sinamahan ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, mababang enerhiya, at pamamaga ng mga lymph node.

Inihayag naman ni Pangilinan na mas maayos ngayon ang pagtugon sa naturang viral disease dahil sa mga naging karanasan ng mga health workers at iba pang frontliners sa pagtugon para mapigilan ang paglaganap noon ng Covid 19.

Tuloy-tuloy din ang pagsasanay nila sa mga health workers sa ibat ibang local na pamahalaan para mayroong katuwang sa pagmamanage sa iba pang madadapuan ng mpox.

Bumuo na rin ang DOH ng Mpox task force para matiyak ang detalyado at agarang pagresponde kung mayroon pang maiuulat na magpositibo sa naturang sakit.