Tuguegarao City- Nagsasagawa na ng contact tracing ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng DOH Region 2 sa mga nakasalamuha ng kauna-unahang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 sa Cagayan.
Ito ay matapos ang opisyal na kumpirmasyon ng Department of Health (DOH) sa isinagawang press conference kahapon.
Sa naging pahayag ni Dr. Leticia Cabrera, katuwang ng DOH ang Tuguegarao City Health Office at iba pang concerned agencies upang mahanap ang mga nakasalamuha ni patient PH 275.
Sa kabila ng ginagawang close monitoring ay nanawagan ito sa publiko ng kooperasyon at pakikiisa upang sa lalong madaling panahon masupil ang banta ng naturang sakit.
Siniguro naman nito sa publiko na gagawin ng DOH ang lahat ng hakbang upang labanan ang pagkalat ng COVID-19.
Muli namang nagpapaalala ang Department of Health sa lahat na panatilihin ang kalinisan sa katawan at sumunod sa mga ipinatutupad na precautionary measures upang makaiwas sa sakit.