Naka-code white alert ang Department of Health region 2 bilang paghahanda sa pagunita ng Holy Week.

Ayon kay Dr. Glen Matthew Baggao, undersecretary ng DOH, layunin ng ahensya na matiyak na handa ang lahat ng ospital sa posibleng pagdami ng mga emergency cases.

Kabilang sa paghahanda ang pagiging alerto ng mga doktor, nurse, ambulansya, at sapat na suplay ng gamot at kagamitan sa emergency rooms.

Sinabi rin ng opisyal na pangunahing binabantayan ng DOH ang mga kaso ng heat stroke dahil sa matinding init ng panahon, gayundin ang mga road crash injuries na patuloy na tumataas sa iba’t ibang rehiyon.

Batay sa datos ng DOH, karamihan sa mga aksidente sa kalsada ay dulot ng pagmamaneho nang nakainom ng alak, pagmamaneho habang inaantok, at hindi pagsusuot ng helmet.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, wala namang naitalang kaso ng aksidente na dulot ng paggamit ng cellphone habang nagmamaneho mula noong Marso 29, indikasyon umano ng epektibong information drive ng ahensya.

Bukod dito, binabantayan din ang pagtaas ng kaso ng drowning, partikular sa mga lugar tulad ng Isabela, kung saan kulang umano ang lifeguards sa ilang paliguan at daluyan ng tubig.

Nagpaalala rin ang DOH sa publiko na mag-ingat sa pagkain upang maiwasan ang sakit sa tiyan, at iwasan ang matagal na pagkabilad sa araw.

Hinihikayat din ang mga deboto na iwasan ang pananakit sa sarili bilang penitensya, dahil maaari itong magdulot ng impeksyon at iba pang komplikasyon sa kalusugan.

Sa huli, nanawagan ang DOH sa publiko na pairalin ang disiplina at pag-iingat upang maging ligtas at makabuluhan ang paggunita ng Semana Santa.