Ipaprayoridad ng Department of Health (DOH) Region 2 ang pagbabakuna sa mga hindi pa nakatatanggap ng first dose ng COVID-19 sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Ayon kay Dr. Grace Santiago, Regional Director ng DOH Region 2, na ang vaccination hesitancy lalo na sa mga A2 category o senior citizen ang isa sa dahilan nang hindi pa na-aabot ng lalawigan ang 70% ng mga dapat mabakunahan o may mababang vaccination rate mula sa mga lalawigan sa rehiyon.

Bukod kasi sa kultura at relihiyon ay idinadahilan ng mga senior citizens na ayaw magpabakuna ang hindi naman umano paglabas ng kanilang bahay.

Kaugnay nito sinabi ni Santiago na bagamat iginagalang nito ang kanilang kultura at desisyon ay personal na pupuntahan ng vaccination team sa susunod na Linggo ang elderly population upang maipaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng bakuna.

Bukod sa Nueva Vizcaya, may ilan pang bayan sa lalawigan ang kailangan pang tutukan dahil sa mababang vaccination coverage na humihila sa rehiyon para manatili sa Alert Level 1.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat patuloy ang downtrend sa COVID 19 cases sa rehiyon dahil sa mataas na vacination rate sa ilang mga lugar, sinabi ni Santiago na kailangan pa ring sumunod sa health protocols upang maiwasan ang muling paglobo nito dahil sa patuloy ang banta ng nakakahawang virus.

Tuloy-tuloy din ang isinasagawang pagbabakuna at patuloy rin ang pagdating ng suplay nito kung kaya hinihikayat ang mga hindi pa bakunado na magpabakuna na habang ang mga fully vaccinated ay magpa-booster shot na para sa karagdagang proteksyon.

Sa pinakahuling datos ng DOH RO2, nasa 42 na lamang ang COVID-19 active cases sa rehiyon na pawang mild cases at asymptomatic

Nasa 77.32% na rin ang mga fully vaccinated sa pangkalahatan sa buong rehiyon.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Santiago na maituturing na COVID-19 free ang lalawigan ng Quirino at Batanes, habang nakapagtala ng mababang aktibong kaso ang nalalabing bahagi ng probinsiya sa Region 2.