Tuguegarao City- Isinusulong ngayon ng Department of Health (DOH) Region 2 ang pagtatayo ng mga quarantine facilities ng mga Local Government Units (LGUs) upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Ito ay matapos ang obserbasyon ng kagawaran na maraming mga nahahawa ng virus dahil sa ginagawang home quarantine ng ibang mga residente.

Sa panayam kay Dr. Rio Magpantay, Regional Director ng DOH Region 2, hindi dapat na maging kampante kahit na sinasabing nagkakaroon na ng flattening of curve sa ulat ng mga tinatamaan ng virus.

Aniya ay may mga lugar pa ang patuloy na tumataas kaya’t nanawagan siya sa mga lokal na pamahalaan na higpitan ang pagtutok sa mga contact tracing at maging sa isolation and testing.

Ipinaliwanag niya na dapat nasusunod din ang mga standards na inilatag sa pagtatayo ng mga quarantine facilities para maiwasan ang hawaan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, sinabi pa ni Dr. Magpantay na sa ngayon ay kabilang muna sa prioridad na isinasailalim sa mga swab test ay ang mga pasyenteng may comorbidities, mga vulnerable patients tulad ng senior citizen, at mga naexpose sa pasyenteng nagpositibo sa virus.

Ito ay upang hindi aniya agad na maubusan ng swab kits ang DOH.

Gayonman, nagpaalala siya sa publiko at maging sa mga pasyenteng nakarecover na sa sakit na sundin pa rin ang mga inilatag na mga minimum health standards upang maiwasan ang pagkalat at pagkahawa sa virus.