

Patuloy ang ginagawang surveillance at testing ng Department of Health Region 2 para malaman ang status ng variant ng COVID-19 sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Ma. Angelica Taloma ng DOH-RO2, nakarekober na ang walong returning OFW na nagpositibo sa UK at South African variants mula sa Cagayan, Isabela at Quirino.
Bukod dito, nakarekober na rin ang anim na local cases ng UK variant na mula sa Ilagan at Alicia sa lalawigan ng Isabela at bayan ng Penablanca sa Cagayan, kabilang ang isang local case ng South African variant na mula naman sa Sta Maria, Isabela.
Gayunman, isang local case ng UK variant mula Ilagan, Isabela ang namatay habang patuloy namang naka-isolate ang isang local case na nagpositibo sa UK variant sa Diffun, Quirino.
Sinabi naman ni DOH Regional Director Rio Magpantay na patuloy ang kagawaran at ang iba pang miyembro ng Regional-IATF sa pagbibigay ng tulong sa mga LGUs para tuluyang mapababa ang covid cases sa rehiyon.




