TUGUEGARAO CITY-Naghahanda ang Department of Health (DOH)-Region 2 partikular ang epidemiology and surveillance unit para sa posibleng pagsasagawa ng training sa mga provincial at municipal health personnel para sa gagawing contact tracing kung sakali na magkaroon ng positibong kaso ng coronavirus disease sa Region 2.
Ayon kay Pauline Atal ng DOH-Region 2, ito ay bilang prespasyon sa mabilis na pagtaas ng bilang ng kaso ng virus sa bansa.
Aniya, mga trained personnel lamang ang nagsasagawa ng contact tracing ngunit dahil sa kakulangan ng tauhan ay ibinaba ng kanilang regional office ang mabilisang training sa mga health personnel para may katuwang ang naturang ahensiya sa pagmonitor sa virus.
Una rito,sinabi ni Atal na nagbaba ng kautusan ang DOH central office na maghanda sa posibleng pagtaas ng kaso ng covid 19 sa bansa at paigtingin ang contact tracing kung sakaling may positibong kaso.
Papalawigin din ng ahensiya ang kanilang surveillance hindi lamang sa mga Patient Under Investigation (PUIs) kundi maging sa mga may malalang respiratory symptoms.
Sinabi ni Atal na ito’y dahil narin sa pagkakaroon ng local transmission ng virus sa bansa kung saan maaring isa sa mga namamalagi sa region 2 ay nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.
Pinaalalahanan din ng DOH ang mga municipal at provincial health offices na maging alerto sa surveillance sa kanilang mga lugar lalo na ang mga mayroong malalang respiratory symptoms.
Samantala, isang PUI ng covid-19 na mula sa Alicia, Isabela ang kasalukuyang minomonitor Southern Isabela Medical Center.
Ayon kay Atal, umabot sa 37 PUI sa Region 2 kung saan nakalabas na sa pagamutan ang 36 matapos magnegatibo sa covid-19.