TUGUEGARAO CITY-Umaasa ang Department of Health (DOH)-Region 02 na bago matapos ang buwan ng Mayo ay maaari ng magamit ang Covid-19 testing laboratory ng ahensiya matapos mabigyan ng license to operate ng DOH Central Office para makapagtest ng Covid-19 specimen.
Ayon kay OIC Assistant Regional Director Dr. Leticia Cabrera ng DOH Region 02, nabigyan ng lisensya ang pasilidad na maging testing center matapos pumasa sa ginawang assestment at evaluation ng World Health Organization (WHO) at DOH Central Office.
Aniya, ang TB laboratory na mayroong GeneXpert machine na may bagong cartridge ay makakapag-test ng 36 na bilang ng specimen sa isang araw.
Ngunit bago makapag-operate, sinabi ni Cabrera na kailangan pang gawin ang safety precautions tulad ng preventive maintenance at sasailalim sa calibration na gagawin ng grupo ng mga engineers ng Philippine Business for Social Progress (PBSP) isang business partners ng DOH para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga staff na magsasagawa ng testing.
Kaugnay nito, humiling ang ahensiya ng karagdagang dalawang machine upang lalong mapabilis ang pagsusuri sa mga specimen at mapabilis ang resulta ng swab test para hindi na maghintay ng matagal ang mga pasyente.
Sa ngayon, sinabi ni Cabrera na iisang machine ang nasa kanilang laboratoryo maaring gamitin sa kanilang testing center.