Nagpahayag ng suporta ang Department of Health (DOH) sa panukalang ipatupad na 30 kilometers per hour na speed limit sa mga lungsod bilang hakbang para mapababa ang mga insidente ng aksidente sa kalsada.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, ang road crash na ngayon ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga kabataang Pilipino edad 5 hanggang 29.

Ibinahagi rin niya na sa ibang bansa gaya ng Amsterdam, hindi na kinakailangan ng helmet dahil may speed limiters ang mga motorsiklo, dahilan para maging mas ligtas ang kalsada.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, nasa 13,101 katao ang nasawi sa road crashes noong 2023, o katumbas ng 32 katao kada araw.

Limang bata ang kabilang sa bilang na ito araw-araw. Sa kabuuang datos, 70% ng mga insidente ay kinasasangkutan ng motorsiklo, na patok sa maraming Pilipino dahil sa mababang halaga at kakulangan sa maayos na pampublikong transportasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin ni Herbosa na sa mga lugar na may umiiral na speed limit gaya ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng aksidente.

Dahil dito, nananawagan ang DOH na muling repasuhin at mahigpit na ipatupad ang mga umiiral na batas ukol sa road safety gaya ng paggamit ng helmet, seatbelt, at child car seats.

Binabalaan din ni Herbosa na kung magpapatuloy ang kasalukuyang kalagayan, posible na sa loob ng sampung taon ay maging pangunahing sanhi ng kamatayan sa bansa ang road crash, kasunod ng mga sakit gaya ng cardiovascular disease, cancer, diabetes, at pneumonia.