
Tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala pang naitatala o mino-monitor na aktibong kaso ng Nipah virus sa Pilipinas at may nakahandang mga safeguard ang pamahalaan upang maiwasan ang pagpasok ng sakit sa bansa.
Ayon sa DOH, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang nagpapatupad ng mas pinaigting na hakbang sa border health security, kasabay ng patuloy na pagbabantay sa mga karatig-bansa na may naitalang kaso. Ang Nipah virus ay isang zoonotic disease na nagmumula sa hayop, partikular sa mga paniki, at maaaring makuha sa direktang exposure o sa pagkain ng kontaminado at hindi maayos na nalutong karne.
Ipinatupad ang masusing health screening sa mga paliparan, kabilang ang pagmamanman ng mga nurse-spotter sa Ninoy Aquino International Airport at paggamit ng thermal cameras upang matukoy ang mga pasaherong may sintomas. Inaatasan din ang mga dumarating na biyahero na magsumite ng e-Travel forms upang matukoy ang kanilang travel history.
Sinabi ng DOH na ang mga sintomas ng Nipah virus ay maaaring kahalintulad ng karaniwang trangkaso sa simula, ngunit maaaring lumala at magdulot ng seryosong komplikasyon. Gayunman, pinayuhan ang publiko na huwag mag-panic at magpatingin sa health professionals para sa tamang pagsusuri, lalo na kung may travel history o exposure sa mga hayop.
Bagama’t wala pang bakuna laban sa Nipah virus, iginiit ng DOH na kayang mapigilan ang pagkalat nito sa pamamagitan ng maayos na public health response. Mayroon umanong isolation facilities ang mga DOH hospital at ang Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa.
Hinikayat ng DOH ang publiko na panatilihin ang malusog na pamumuhay upang mapalakas ang resistensya laban sa mga sakit.










