
Itinalaga bilang pansamantalang medical center chief ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) si DOH Undersecretary Dr. Glenn Mathew Baggao matapos magretiro ang dating hepe ng ospital noong Mayo 21.
Ayon kay Baggao, ang kanyang pansamantalang appointment ay alinsunod sa Department Personnel Order na inilabas ni DOH Secretary Teodoro Herbosa, habang wala pang naitatalagang permanenteng kahalili sa posisyon.
Inihayag niya na ang kanyang unang hakbang bilang pansamantalang pinuno ng SIMC ay ang agad na pakikipagpulong sa mga department heads upang alamin ang kasalukuyang kalagayan ng ospital.
Isa sa mga pangunahing layunin niya ay ang pagtutok sa pagpapalakas ng mga serbisyong medikal, partikular na ang pagpapalawak ng mga specialty centers at services gaya ng sa dermatology, dialysis CT scan at iba pa.
Binigyang-diin din ni Baggao ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga consultant at espesyalista upang hindi na kailangang bumiyahe pa sa Metro Manila o sa malalayong lugar ang mga pasyente para lamang makakuha ng angkop na gamutan.
Kasabay nito, isinusulong ni Baggao ang mas epektibong pagpapatupad ng Universal Health Care Law upang tunay na maramdaman ng bawat Pilipino, lalo na sa rehiyon, ang serbisyong medikal na nararapat sa kanila.
Aniya, mahalagang matutukan ang pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo sa mga ospital ng DOH upang mas mailapit ang dekalidad na kalusugan sa mamamayan.
Samantala, ibinida ni Baggao ang mga isinusulong na proyekto ng Department of Health upang mas mapalapit sa mamamayan ang serbisyong medikal, kabilang na ang pagtatayo ng 55 BUCAS (Bagong Urgent Care and Ambulatory Service) Centers sa buong bansa.
Ang mga ito ay mga primary healthcare facilities na may halos kumpletong kagamitan para sa pangunahing serbisyong medikal.
Dagdag pa rito, itinataguyod din ang programang “Purok Kalusugan” na nakatuon sa pagpapalakas ng mga barangay health workers (BHW), barangay nutrition scholars, at mga dentista sa mga purok sa barangay.
Sinabi ni Baggao na sa tulong ng pakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM), layunin ng DOH na madagdagan ang manpower o human resources sa sektor ng kalusugan.
Binigyang-diin din ni Baggao ang kahalagahan ng Healthcare Providers Network—isang sistema ng pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan, panlalawigan at pambansang pamahalaan, upang mas maging organisado at epektibo ang paghahatid ng serbisyo.