Ipinasa ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng kumakalat na pekeng impormasyon tungkol sa kaso ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon sa DOJ, natanggap nila noong Hunyo 1 ang referral mula sa Presidential Communications Office (PCO) kaugnay ng mga social media post na nagsasabing pinahinto umano ng Korte Suprema ang anumang pag-aresto o pagsuko kay Dela Rosa sa International Criminal Court (ICC) o ibang foreign authority.

Sinabi ng DOJ na rerepasuhin at irerefer sa NBI ang kaso para sa imbestigasyon at posibleng case build-up, kung saan maaaring sampahan ng kaukulang criminal charges ang mga responsable kung mapapatunayang may paglabag.

Ayon sa PCO, apat na Facebook accounts ang pinaghihinalaang nagpakalat ng maling impormasyon at gumamit pa ng mga terminong parang lehitimong balita gaya ng “JUST IN” at “Breaking News” upang magmukhang opisyal ang kanilang posts.

Naisusulong ang posibleng paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang nauna nang ibinasura ng Korte Suprema ang hiling na temporary restraining order ni Dela Rosa kaugnay ng kanyang posibleng pag-aresto, ngunit nilinaw din ng korte na hindi pa ito pinal na desisyon sa pangunahing petisyon hinggil sa hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.