Ipinawalang-bisa ng Department of Justice (DOJ) ang tatlong excise tax complaints laban kina Curlee at Sarah Discaya at iba pang mga indibidwal kaugnay ng ilang luxury vehicles, ayon kay Justice spokesperson Polo Martinez nitong Lunes.

Ipinaliwanag ni Martinez na ang desisyon ay dahil ang excise tax ay obligasyon ng importer.

Ayon sa DOJ, ang mga kasong ito ay kinasasangkutan ng Land Rover/Range Rover at Cadillac Escalade sa unang kaso, Land Rover at Mercedes-Benz sa pangalawang kaso, at Mercedes-Benz sa ikatlong kaso.

Ito ay bahagi ng limang tax cases laban sa Discaya couple na sumailalim sa preliminary investigation ng DOJ.

Samantala, dalawang kaso ang ihahain sa Court of Tax Appeals, dahil sa diumano’y pagtatago ng totoong kita sa kanilang Income Tax Returns para sa taxable years 2020 at 2021.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Martinez, ginawa ito nina Curlee at Sarah sa kani-kanilang kapasidad bilang sole proprietors ng kanilang mga negosyo.

Sa kasalukuyan, si Sarah Discaya ay nakakulong sa Lapu-Lapu City Jail, habang si Curlee Discaya ay nasa kustodiya ng Senado.