Ikinokonsidera ng Department of Justice ang potential na “legal consequences” sa tinawag nitong nakakabahala na mga pahayag ni Vice President Sara Duterte nitong nakalipas na linggo, partikular ang banta nito na huhukayin ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at itatapon sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na ang sinabi ni Duterte ay paglabag sa “moral principles” at nangangailangan ng pag-aaral at alamin ang mga legal na aspeto nito.
Ayon kay Remulla na nakakabahala ang takbo ng pag-iisip ni Duterte, lalo na at siya ay may hawak na mataas na posisyon sa gobyerno.
Una rito, sinabi ni Remulla na posibleng nalabag ni Duterte ang Revised Penal Code.
Bagamat hindi niya tinukoy ang eksaktong probisyon, Article 353 ng nasabing batas, kung saan ipinapaliwanag ang crime of libel, na kinabibilangan ng tungkol sa kawalang paggalang sa patay.