Ipinahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na titingnan ng Department of Justice (DOJ) ang buong 15-taong rekord ng mag-asawang Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya bilang mga government contractor kung nais nilang maging state witness laban sa mga maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Remulla, hindi sapat kung tatlong taon lang ang kanilang isasalaysay dahil kailangang mabusisi ang kabuuang kasaysayan ng kanilang kontrata, kabilang ang mga proyekto, petsa, pangalan ng mga engineer at mambabatas na posibleng sangkot.

Ang Discaya couple ay nagbunyag na ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilang kongresista umano ang kumukuha ng komisyon mula sa mga flood control projects.

Gayunman, binigyang-diin ni Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi dapat basta paniwalaan ang mga Discaya, dahil taliwas sa kanilang pahayag na sila’y bilyonaryo, mahirap aniyang maging bilyonaryo kung 2% hanggang 3% lamang ang kinikita mula sa mga proyekto.

Dagdag pa ni Sotto, malinaw na may pagkakasalungatan sa mga datos at listahang iniharap ng Discaya couple, na ayon sa kanya ay puno ng kasinungalingan.

-- ADVERTISEMENT --

Si Sotto ang tumalo kay Sarah Discaya sa 2025 lokal na halalan sa Pasig.