
Isang doktor mula sa Cebu City Medical Center (CCMC) ang matagumpay na nagpaanak ng pasyente sa gilid ng kalsada matapos ang malakas na lindol na yumanig sa Cebu noong Setyembre 30, 2025.
Kaagad na inilikas ang mga pasyente ng ospital matapos tumama ang magnitude 6.9 na lindol bandang 9:59 ng gabi.
Kasama sa mga inilikas ay isang babaeng handa nang manganak, kaya’t agad siyang tinutukan ng OB-GYN team sa labas ng gusali sa gitna ng mga aftershock at malakas na ulan.
Sa kabila ng limitadong kagamitan at delikadong sitwasyon, ligtas na naipanganak ang isang malusog na sanggol na lalaki sa kalsada malapit sa CCMC.
Agad namang binigyan ng kinakailangang bakuna ang ina dahil sa pangamba sa kakulangan ng sterilisasyon.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Pediatrics Department ang sanggol, habang nananatili pa rin sa ospital ang ina para sa masusing obserbasyon.