Nahuli ang dalawang suspek sa Angeles City, Pampanga kaugnay ng isang investment scam na gumamit ng deepfake video ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makapanloko.

Sa operasyon ng PNP-CIDG, naaresto ang mga suspek sa isang coffee shop matapos tanggapin ang markadong pera na umano’y bahagi ng mahigit P20 milyong investment.

Ayon sa imbestigasyon, naloko ang biktimang si Dr. Marie Faith Sagun-Villarta matapos siyang regaluhan ng mga mamahaling gamit tulad ng bag, relo, at dalawang sasakyan. Ipinakita rin sa kanya ang isang pekeng video ng Pangulo na ginamit para palakasin ang kredibilidad ng investment scheme.

Naengganyo umano ang doktora na mag-invest, lalo na’t pinangakuaan siya ng 20% hanggang 30% na kita. Umabot sa P93 milyon ang kanyang nailagak sa loob ng isang taon.

Dahil sa insidente, napalayo umano si Sagun-Villarta sa kanyang pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP-CIDG Tarlac ang mga suspek at haharap sa kasong estafa na may kaugnayan sa cybercrime. Ayon sa mga awtoridad, malinaw na ginamitan ng AI ang video na nagsilbing pangunahing kasangkapan sa panlilinlang.