Binalaan ng Department of Labor and Employement ang mga employer sa rehiyon dos na hindi susunod sa bagong wage increase na P50-P75 na inaprubahan ng Regional Wage Boards.

Ayon kay Joel Gonzales, director ng DOLE-RO2 na may mabigat na parusa sa ilalim ng Labor Code ang hindi pagsunod sa itinakdang minimum wage ng ahensya.

Paliwanag ni Gonzales, na ang hindi pagtalima sa umento sa sahod ay posibleng humantong sa pag-iisyu ng writ of execution laban sa employer o pagbebenta ng kanyang ari-arian bilang kabayaran sa kulang na pasahod o pagkakautang nito sa kanyang empleyado.

Sa ilalim ng bagong wage order, tataas sa P420 mula sa dating P370 ang daily minimum rate ng mga manggagawa sa non-agriculture sector; P420 din mula sa dating P345 para sa retail at service establishments na pagpapatrabaho ng hindi hihigit sa 10 manggagawa; habang P400 mula sa dating P345 sa sektor ng agrikultura.

Dagdag pa ni Gonzales, dumaan sa masusing konsultasyon ng lahat ng mga stakeholders bago dinesisyunan ang bagong wage increase.

-- ADVERTISEMENT --

Naabisuhan na rin ng ahensya ang mga kumpanya sa ipatutupad na dagdag-sahod na mahahati sa dalawa hanggang tatlong tranche na magsisimula sa susunod na buwan.

Nilinaw naman ni Gonzales na bagamat sakop lamang ng wage order ang mga minimum wage earners sa pribadong sector ay depende na umano sa kumpanya kung magbibigay ito ng dagdag sahod sa mga empleyadong above minimum ang sinasahod.

Ngunit kung mas mababa ang matatanggap na sahod ng mga above minimum wage earners sa oras na maging epektibo ang umento ay kailangan pa rin bayaran ng employer ang difference o kulang.