Aabot na sa 22 mula sa 28 munisipalidad at isang siyudad sa lalawigan ng Cagayan ang isinailalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa kanilang Technical Assistant Visit o TAV para sa mga micro-establishment.

Ayon kay Laura Diciano, head ng DOLE- Cagayan Field Office na sa pamamagitan ng TAV, ang mga employer at manggagawa ay binibigyan ng kaalaman sa kanilang mga karapatan at pananagutan para sa boluntaryong pagsunod sa mga batas paggawa.

Mula sa target na 1,612 na micro-establishment ay nasa 1,620 na ang isinailalim ngayong taon sa pagsasanay.

Sa ilalim ng TAV, nagbibigay ang labor inspector sa mga micro- establishment o iyong may isa hanggang siyam na empleyado, ng labor education para itaas ang kanilang kaalaman sa Labor Standards, Occupational Safety and Health Standards at iba pang mga patakaran at programa ng DOLE.