TUGUEGARAO CITY- Inihahanda na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tulong na ibibigay sa mga Pinoy na ililikas pauwi ng Pilipinas dahil sa kaguluhan sa Afghanistan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni DOLE Secretary Sylvestre Bello III na ang mga mapapauwing OFW ay
mapagkakalooban ng P10,000 livelihood assistance at ihahanapan ang mga ito ng mapapasukang trabaho sa
construction sector.
Gagawing scholar din ang kanilang mga anak kung rehistrado ang mga ito sa Overseas Workers Welfare
Administration (OWWA).
Ayon kay Bello na karamihan sa mga Pinoy sa Afghanistan ay nagtatrabaho sa mga oil refinery.
Sa ngayon ay inaasikaso na ng Philippine Embassy sa Afghanistan ang mabilisang paglilikas sa nasa
mahigit 130 Pinoy workers dahil sa lumalalang tensyon doon matapos ang pagkubkob ng Taliban Forces sa
Presidential Palace.
Samantala, inilikas na sa military base ang ilang Pinoy na naiipit ngayon sa civil disorder sa Afghanistan
Ito ang inisyal na impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Tuguegarao sa isang pinoy na nakabase sa
kabisera ng bansa na Kabul.
Ayon kay Rio Fabe na nananatili ngayon ang ilang pinoy sa military base ng US forces at mga bansang
miembro ng NATO o North Atlantic Treaty Organization na lumalaban sa mga Taliban terrorists.
Kuwento niya na ilang araw na rin umano na wala silang tulog dahil sa lumalalang civil war sa naturang
bansa.
Sabi niya na ang ibang pinoy naman ay nasa safe houses sa labas ng military base.
Aniya, ligtas naman ang mga pinoy na nasa safehouses nila pero hindi umano sila basta basta makakalabas
dahil sa nagkalat ang mga taliban.
Itinaas naman ng Department of Foreign Affairs sa alert level 4 ang sitwasyon kung kayat
mandatoryo ang pag-repatriate sa mga Pinoy na nakabase sa lugar.
Nabatid na mahigit 130 ang mga manggagawang pinoy sa Afghanistan kung saan karamihan sa mga ito ay
nagtatrabaho sa mga oil refineries.