
Muling nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga kumpanya na maaari pa ring magpatupad ng flexible work arrangements upang maibsan ang patuloy na epekto ng oil price hike dulot ng gulo sa Middle East.
Sa isang pahayag, iminungkahi rin ng ahensya na maaring subukan ang paglipat sa four-day workweek o kaya naman ay work-from-home (WFH) schemes.
Ito ay upang mapababa ang operational expenses ng mga negosyo at maprotektahan ang kapakanan ng mga manggagawa sa gitna ng krisis.
Sa ilalim ng four-day workweek, ang nakasanayang 40-oras na pasok sa loob ng limang araw ay isisiksik na lamang mula Lunes hanggang Huwebes.
Samantala, sa WFH arrangement naman ay papasok pa rin nang walo o higit pang oras ang mga empleyado onsite sa loob ng apat na araw, habang gagawin na lamang remote work ang trabaho tuwing Biyernes depende sa uri ng kanilang trabaho.
Paalala ng DOLE – kinakailangang magsumite ng report ang sinumang employer na magpapatupad ng ganitong sistema sa online compliance portal ng ahensya.
Gayunpaman, nilinaw ni Bureau of Working Conditions (BWC) Director Alvin Curada na hindi ito sapilitan para sa lahat ng kumpanya.




