TUGUEGARAO CITY- Nanawagan ang Department of Labor and Employment (Dole) sa publiko lalo na ang mga naghahanap ng trabaho na makiisa sa gagawing online Job fair kasabay ng pagdiriwang ng Labor day sa araw ng Sabado, Mayo 1, 2021.
Ayon kay Chester Trinidad, tagapagsalita ng DOLE-Region 02, layon nitong tulungan at bigyan ng oportunidad na makahanap ng papasukang trabaho ang mga manggagawa lalo na ang mga nawalan dahil sa pandemya.
Aniya, katuwang ng kanilang tanggapan ang Department of Trade and Industry (DTI), Technical education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang mga privates partners ng ahensya.
Sinabi ni Trinidad na bisitahin lamang ang kanilang facebook page para mabigyang gabay sa gagawing online job fair.
Tatagal ang naturang aktibidad hanggang Mayo 3, 2021 para mas maraming araw ang maibigay sa mga aplikante na makapag-file ng kanilang applikasyon sa mga nais na pasukang trabaho.
Magkakaroon naman ng dry-run ang Dole bago ang naturang plano para maisakatupan ng maayos ang kanilang gagawin at matiyak na maipapatupad ang mga health protocols bilang pag-iingat sa covid-19.