Pinarangalan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 ang mga natatanging Public Employment Service Offices (PESOs) sa Cagayan Valley dahil sa kanilang dedikasyon sa pagpapabuti ng serbisyong paghahanap ng trabaho sa publiko.
Kinilala ang lalawigan ng Isabela bilang pinakamahusay na PESO sa antas.na panlalawigan, habang ang Lungsod ng Ilagan naman ay pinarangalan sa kategoryang Independent/Component City.
Sa antas ng mga unang-klaseng munisipalidad, nanguna ang San Mariano, Isabela, habang nakatanggap ng parangal ang Sanchez Mira, Cagayan para sa pangalawa hanggang pangatlong-klaseng munisipalidad.
Nanalo naman ang Camalaniugan sa kategorya ng ika-apat hanggang ika-anim na klaseng munisipalidad, at ang Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) ay kinilala sa kategoryang job placement office.
Ayon Kay Regional Director Elpidio Atal, Jr. na sumasalamin ang mga parangal sa dedikasyon ng mga PESO sa pagpapalawak ng serbisyong pagtatrabaho sa rehiyon.
Aniya Bilang mga katuwang sa mga lokal na komunidad, mahalaga ang kanilang papel sa pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa mga kliyente.
Ibinahagi rin niya ang positibong trend sa trabaho, kung saan umabot sa 96 porsiyento ang employment rate sa bansa noong Agosto 2024 na mas mataas sa 95.6 porsiyentong tala noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Sinabi Ng Director na ito ay katumbas ng kabuuang 49.15 milyong manggagawang may trabaho at kanya rin kinilala ang malaking ambag ng kanilang serbisyo sa pag-abot sa tagumpay na ito.
Ibinahagi naman ni Cecilia Claire N. Reyes, Provincial Employment Service manager ng Isabela, na ang pagkilalang ito ay nagsisilbing inspirasyon sa kanilang grupo upang lalo pang pagbutihin ang serbisyo para sa mga naghahanap ng trabaho.
Aniya Ang bawat isa na nakakahanap ng trabaho ay may malaking pagbabago sa kanilang buhay at ang isang trabaho ay hindi lamang nag-aangat ng kanilang kondisyon sa buhay kundi pati na rin ng kanilang buong pamilya.
Hinikayat din ni Joena C. Alario, PESO manager ng Camalaniugan, ang mga lokal na opisyal na dagdagan pa ang suporta sa PESO upang makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga walang hanapbuhay sa kanilang mga komunidad.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtatatag ng plantilla positions para sa mga PESO manager at pagkakaroon ng sariling opisina upang mapabuti pa ang serbisyong ibinibigay sa publiko.