Ibinida ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lumalagong pangkabuhayan ng isang asosasyon ng mga magsasaka at mangingisda para sa kanilang mushroom production gamit ang rice straw o dayami sa bayan ng Abulug, Cagayan.

Ayon kay Angelica Dela Cruz, head ng Integrated Livelihood and Emergency Employment Program Unit ng DOLE-RO2, taong 2018 nang sinimulan ng Tayak Agri-Fishery Producers Association (TAFPA) sa Sitio Tayak sa Brgy Siguiran na gawing pagkakitaan ang dayami bilang patubuan o fruiting bag ng kabute.

Mula sa dating manu-manong paggawa ng fruiting bags ay nagbigay ang ahensya ng assistance sa ilalim ng DOLE Livelihood Integrated Program na makakatulong sa kanilang mushroom production.

April 2023 nang muling nagbigay ang DOLE ng assistance na nagkakahalaga ng P350K para sa kanilang mushroom processing enhancement project, maliban pa sa ibinigay na tulong ng iba pang ahensya ng gubyerno tulad ng Department of Agriculture, Local Government Unit at iba pa.

Dahil sa paglago ng kabuhayan ng nasa 37 miyembro ng asosasyon ay itinanghal ang TAFPA bilang Champion sa National Search for Best Assisted Livelihood Project sa group category noong nakaraang taon at First Place sa Regional level na nakapag-uwi ng kabuuang P180-K na pa-premyo.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa kabute ay kilala rin ang grupo sa paggawa ng mushroom bagoong, at mga produkto mula sa nipa gaya ng wine, molasses, vinegar at tingting.

Bukod dito, nagsasagawa rin ang TAFPA ng mga pagsasanay sa mga asosasyon sa ibang lugar na nais din gumawa ng ibat-ibang produkto mula sa kabute.