Umapela si Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa mga gumagamit sa programa ng ahensiya para maisulong ang pagbabago sa saligang batas na igalang ang kasagraduhan ng karapatan ng mga mamamayan.
Sa kanyang pagbisita sa Tuguegarao City, tiniyak ng kalihim na nakabatay sa mga alituntunin ang implementasyon ng mga social services at programa ng Department of Labor and Employment.
Ito ay upang masiguro na ang mga programa ay mailalaan sa mga mamamayan na nangangailangan ng tulong para maiangat ang estado ng kanilang pamumuhay kung kayat hindi ito maaaring magamit ng sinuman para sa kanilang sariling kapakanan.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Laguesma kasunod ng ulat na ginagamit umano ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng DOLE para mapapirma ang mga benepisaryo sa isinusulong na charter change (CHACHA) sa pamamagitan ng People’s Initiative.
Sa katunayan ayon sa kalihim ay nakatanggap ng pagkilala ang DOLE dahil sa maayos nito na implementasyon ng mga social services program gaya ng TUPAD.
Pinangunahan ni Sec. Laguesma ang isinagawang ground breaking ceremony sa ipapatayong provincial office ng DOLE-Cagayan sa tabi ng pangrehiyong tanggapan ng ahensiya na matatagpuan regional government center sa Brgy. Carig, Tuguegarao City.
Nagkakahalaga ito ng P54 million kung saan binanggit ni Laguesma na ito ay katuparan sa kaniyang pangarap na magkaroon ng sariling gusali ang ahensiya na makakatulong sa mas mabilis na pagbibigay serbisyo sa kanilang kliyente.
Pinasalamatan din ng kalihim ang mga national at local government agencies na malaking katuwang ng DOLE sa pagpapatupad ng mga programa para sa kagalingan ng mga mangagawa sa pribadong sector at iba pang nangangailangan ng tulong ng tanggapan.
Siniguro naman ng kalihim na tutulungan ng ahensiya sa abot ng kanilang makakaya ang bawat mamamayan na nangangailangan ng tulong.