Posibleng nakakaranas ng personal o mental health problems ang isang Pinay domestic worker na umano’y nakapatay sa isang batang Kuwaiti kamakailan.

Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega, na may natanggap na report ang Philippine Embassy sa Kuwait na “depressed” ang nasabing Pinay nang mangyari ang insidente.

Inilagay umano ng domestic worker ang biktima sa loob ng washing machine dahil sa pagkainis dahil sa dinidistorbo siya ng bata.

Sinabi ni De Vega na may natanggap na report ang embahada na sumisigaw ang OFW bago ang insidente.

Ayon sa kanya, magkakaloob ng legal at psychological assistance ang Philippine Embassy at Department of Migrant Workers attaches sa nasabing OFW.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni De Vega na hindi pa nakakausap ng embahada ang OFW dahil siya ay nasa kustodiya ng pulisya sa Kuwait.

Ayon sa kanya, ang nasabing OFW ay mula sa bayan ng Alcala, Cagayan at nasa Kuwait buhat noong 2015.

Idinagdag pa niya na hinihintay na lamang niya ang official report mula sa embahada kung naabisuhan na ang pamilya ng OFW sa bansa tungkol sa nasabing sitwasyon.

Umaasa si De Vega na hindi ito makakaapekto sa magandang reputasyon ng Filipinos sa Kuwait.