Target igawad ng contractor sa pamahalaang panlungsod ang bagong Don Domingo public market sa Tuguegarao City sa katapusan ng buwan ng Hulyo ngayong taon.

Sa pinakahuling regular session ng konseho, ipinatawag sina City Engineer Emillio Matangguihan at ang contractor sa naturang proyekto at inalam ang estado at progreso ng naturang proyekto na sinimulan sa huling termino ni dating City Mayor Jefferson Soriano.

Ayon kay City Councilor Jude Bayona, chairman ng Comittee on Ways and Means, napag-alaman na nasa 99% o halos tapos na ang konstruksyon ng palengke na nagkakahalaga ng mahigit P405m na loan sa Development Bank of the Philippines.

Tanging ang konstruksyon na lamang ng PNP Don Domingo at Fire Station na kasama sa kontrata ang tinatapos.

Sa naging pagbisita naman ng city council sa site, sinabi ni Bayona na nailagay na ang escalator at elevator sa tatlong palapag na bagong public market na mayroong wet and dry section at parking area na maituturing na maipagmamalaki sa buong bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Bago ito buksan ay pagkakasunduan ng Office of the Mayor at city council ang magiging fixed rate o renta ng bawat stall nito na inaasahang kikita ang pamahalaang anlungsod ng P2m hanggang P3m bawat buwan.

Prayoridad naman ang mga dating stall owners na mabigyan ng pwesto sa bagong palengke na may sarili nang metro ng tubig at kuryente.