TUGUEGARAO CITY-Tinangay ng isang kawatan ang isang cellphone at laptop ng dalawang estudyante matapos pasukin ang dormitory ng Cagayan State University(CSU)Carig-Campus, kaninang madaling araw.

Sa naging panayam kay Vina Teresa Corpuz ,19-anyos at residente ng Brgy Babalag East, Rizal, Kalinga, pinasok umano ng hindi pa nakikilalang kawatan ang kanilang kwarto at kinuha ang kanyang cellphone maging ang laptop ng kanyang kasama sa kwarto na si Vivian Orro ng Brgy Dummun, Gattaran.

Bagamat nakita umano ni Orro ang pagtangay ng suspek sa kanilang gamit, natakot umano itong humingi ng tulong dahil baka may gamit itong patalim.

Hindi rin nakilala ni Orro ang kawatan dahil nakatakip ito ng mukha .

-- ADVERTISEMENT --

Aniya,ginawang daanan at labasan ng kawatan ang likod ng dormitory.

Ipinagtataka naman ng mga biktima kung paano nabuksan ng suspek ang kanilang kwarto gayong lagi naman itong nakalock.

Sinabi ni Corpuz na walo silang magkaka-roomate na pawang mga babae ngunit si Orro lamang ang nakapansin sa suspek dahil nasa kasarapan pa lamang sila ng tulog nang mangyari ang pagnanakaw.

Nang makaalis ang kawatan ,agad humingi ng tulong ang mga biktima sa mga naka-duty na security guard sa Unibersidad ngunit mabilis namang nakaalis ang suspek.

Nabatid na ito na ang pangatlong beses na panloloob sa naturang dormitory,una ay noong buwan ng Setyembre na nasundan noong Disyembre noong nakaraang taon at ngayong araw.

Sa ngayon, patuloy ang pag-iimbestiga ng kapulisan para sa agarang pagkahuli ng kawatan.