TUGUEGARAO CITY-Wala umanong kapangyarihan ang Department of Science and Technology na mangumpiska ng mga produkto na gawa sa synthetic acetic acid.

Reaksion ito ni Virginia Bilguera, assistant director ng DOST Region 2 sa natuklasan ng DOST-Philippine Nuclear Research Institute na mga suka na umano’y mga peke at hindi gawa sa natural na sangkap.

Ipinaliwanag ni Bilguera na ang kanilang nagagawa lamang ay ang pagsasagawa ng laboratory test sa mga nasabing produkto bago mailabas sa merkado lalo na kung lalapit sa kanila ang isang negosyante para ipasuri ang kanyang produkto o para magpatulong sa paggawa ng produkto tulad ng suka.

Sa katunayan, sinabi ni Bilguera na may ilang negosyante na humihingi ng kanilang tulong para gumawa ng suka na gawa sa mga kemikal subalit sinasabihan ang mga ito na bawal ito.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, pinapayuhan nila ang mga negosyante na gumawa ng naturally fermented vinegar.

Sa katunayan, sinabi niya na marami na rin sa mga negosyante ang gumagawa ng mga suka na mula sa mga natural na sangkap at ngayon ay naibebenta na sa merkado.