Binigyang-diin ni Troy Alexander Miano, director ng Department of Tourism o DOT Region 2 na malaki ang papel na ginagampanan ng mga local government units o lgu’s sa pagsusulong ng sektor ng turismo.

Dahil dito, sinabi ni Miano na mahalaga na isama ng mga lgu’s sa kanilang mga priority programs ang turismo at ang pagtatalaga ng tourism officer para mapalago ang tourism industry sa kanilang lugar na malaking tulong sa pag-angat ng ekonomiya.

Iginiit ng opisyal na malaki ang potensiyal sa sektor ng turismo ang rehiyon dos na tinawag niyang Cagayan Valley and Northern Philippine Islands dahil sa de kalibreng sand and beach tourism.

Aniya, hindi magpapahuli ang Lambak Cagayan sa mga magagandang beaches at nature tourism dahil sa presensiya ng mga isla at ang northern Sierra Madre natural park kung saan makikita ang mga kuweba na maaaring ipantapat sa mga ipinagmamalaking pook pasyalan ng ibang rehiyon.

Dagdag pa ni Miano ang mga kakaibang karanasan na maaaring maranasan ng mga turista dahil sa cultural at agri-tourism na mayroon ang rehiyon dos.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, sa ngayon ay umuusbong ang agri-tourism sa rehiyon na akma rin sa hanap ngayon ng mga nature lovers.

Dagdag ni Miano na tuloy-tuloy ang ginagawa nilang pagsasanay sa mga tourism stakeholders sa mga LGU’s para maihanda ang mga ito sa pagtanggap sa mga turista para ma-enjoy nila ang pagbisita sa mga pook pasyalan sa ibat ibang lugar sa rehiyon dos.