Kinumpirma ni Tourism Secretary Cristina Frasco na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Tourism (DOT) sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang tugunan ang reklamo sa mataas na halaga ng domestic travel, partikular ang pamasahe sa eroplano.

Ayon kay Frasco, nakipagpulong na ang DOT sa Department of Transportation (DOTr) na may pangunahing mandato sa usapin ng transportasyon, gayundin sa Civil Aeronautics Board (CAB).

Ipinarating na rin umano ng DOT ang mga reklamo ng publiko hinggil sa mahal na airfare sa ilang destinasyon.

Iminungkahi rin ng DOT ang buwanang paglalathala ng price index ng airfares upang maging malinaw at transparent ang mga patakaran sa presyo.

Gayunman, binigyang-diin ni Frasco na hindi lahat ng destinasyon sa bansa ay mahal, at binanggit ang Cebu bilang isang abot-kayang lugar para sa mga turista.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna rito, naging viral ang social media post ng host na si Bianca Gonzalez na nagpahayag ng pagkadismaya sa mas mahal na biyahe sa loob ng bansa kumpara sa paglalakbay sa ibang bansa kung saan nagdulot ng halo-halong reaksiyon mula sa netizens.